Monday, March 28, 2011

Pinagmulan ng Lahing Pilipino

Bilang Alamat

Ayon sa matatanda, ang bathalang lumikha ng daigdig ay si Laor.  Ayon sa paniwala ng marami ay matagal siyang namuhay na nag-iisa dito sa daigdig.  Hindi nalaunan at siya ay nakaramdam ng pagkalungkot sa kanyang pag-iisa.  Upang maiwasan ang ganitong pangyayari ay umisip siya ng isang magandang paraan.
Isang araw ay naisipan niyang kumimpal ng lupa upang gawing mga tao, sa gayon ay malunasan ang kanyang kalungkutan.  Iniluto niya sa hurno ang lupang kanyang ginawa.  Sa hindi malamang sanhi ay nakalingatan niya ito, kaya't nang kanyang buksan ay maitim at sunog.  Ang lumabas na sunog ay naging nuno ng mga Ita.

Hindi nasiyahan ang Bathala sa una niyang pagsubok.  Kumuha uli siya ng lupa at hinubog na anyong tao at isinilid sa hurno.  Sa takot niyang ito'y masunog tulad ng una, hinango agad sa kalan.  Ang lumabas ngayon ay hilaw at maputi.  Ito naman ang mga ninuno ng mga puting lahi.

Muling humubog si Bathala ng lupa at iniluto sa hurno.  Palibahasa'y ikatlo na niyang pagsubok ito, hindi napaaga ni napahuli ang pagkakahango niya sa pugon.  Hustong-husto ang pagkakaluto ngayon at katamtaman ang kulay.  Ito ang pinagmulan ng lahing kayumanggi na kinabibilangan ng mga Pilipino.

Sinaunang Tao sa Pilipinas

Ibinibilang ang karamihan sa mga mamamayan ng Pilipinas sa mga liping Mongoloid, ngunit bagaman kalapit at kaugnay sila "sa dugo" ng mga Intsik, Hapones, at taga-Malaysia, mayroon pang naunang mga grupo ng mga tao na nagpunta at nanirahan sa sinaunang Pilipinas. Kabilang dito ang Taong Tabon at ang mga nagsidating na mga Negrito, Indones (mga sinaunang Indonesyano), at mga sinaunang Malay. Bago pa man dumating ang mga Kastila sa kapuluan ng Pilipinas, palagian nang nakikipag-unayan ang mga Intsik - bilang mga mangangalakal - sa mga mamamayan ng sinaunang Pilipinas. Sa loob ng maraming mga dantaon, nagkaroon ng pagpapakasal sa pagitan ng mga sinaunang mamamayan ng arkipelago at mga Intsik. Ang lahat ng mga ito ang tinatawag na mga unang mga mamamayang namuhay sa kapuluan, subalit may natatanging tatlong pangkat ng mga sinaunang taong dumating sa Pilipinas: ang mga Negrito, mga Indones, at mga Malay.

Ilan sa mga ninuno ng mga Pilipino ang nagbuhat sa mga pangunahing-lupain ng Timog-Silangang Asya, at pinaniniwalaang naglakbay at naglakad sa ibabaw ng mga "tulay na lupa" na dating nagkakabit at nagdurugtong ng Pilipinas at Timog-Silangang Asya. Ang mga salinlahi ng mga ninunong ito ang naging nakikilalang mga Pilipino sa kasalukuyan at naging mayoridad sa Pilipinas.
Mga Negrito, Indones at Malay ang mga prinsipal na mamamayan ng Pilipinas. Naganap pa ang iba pang migrasyon sa pamamagitan ng pagbiyahe sa tubig at nangyari sa loob ng ilang libong taon.

Alamat ng Pilipinas

Nang pasimula ay nilikha ng Dios ang langit at ang lupa. At ang lupa ay walang anyo at walang laman; at ang kadiliman ay sumasa ibabaw ng kalaliman; at ang Espiritu ng Dios ay sumasa ibabaw ng tubig.” – Genesis 1:1-2

Paghahati-hati ng Lupa

Noong unang panahon ang Pilipinas ay bahagi ng Asya. Walang dagat na namamagitan sa Asya at sa Pilipinas. Ngunit dahil sa pagguho ng lupa, lindol, pagputok ng bulkan at pagbaha ng yelo, ang bahagi ng lupang nag-uugnayy ng Pilipinas sa Asya at bumaha o gumuho at ngayon ang nakikita natin sa lugal niyan ay tubig.

May mga nagpapatotoo na ang Pilipinas ay bahagi nga ng Asya noong unang panahon sapagkat kamakailan lamang ay natuklasang mga bungo ng hayop sa bundok ng Cordillera. Ang mga hayop na tulad nito at doon lamang nakikita ngayon sa Asya at wala sa Pilipinas.

Alinsunod naman sa mga mananalaysay, ang Pilipinas daw noong unang panahon ay bahaging labi ng malaking lupalop na lumubog sa dagat ng India na kung tawagin ay Lemuria at ayon naman sa iba, ito raw marahil ay bahagi ng nawalang lupalop Pacifico na kung tawagin ay Hu.

Maikling Kuento

Ayon naman sa ating matandang alamat, noong unang panahon ay walang lupa kundi langit at tubig. May isa raw uwak na  walang madapuan. Naisipan ng uwak na papaglabanin ang langit at dagat. Nagkaroon nga ng labanan. Malalaking alon ang isinaboy ng dagat sa langit. Ang langit naman ay naghulog ng malalaking bato sa dagat. Sa mga batong ito nagmula ang lupa. Isa sa mga pulo ng lupang naturan ay ang Pilipinas.


Si Malakas at si Maganda


Ang isa pang kawiliwilihang alamat tungkol sa pinagmulan ng Pilipinas ay ang tungkol kina Malakas at Maganda. Nang lalangin daw ang mundo ng Punong Pinagmulan ang inunang lalangin ay dagat at langit. Sapagkat wala pang buhay noon sa daigdigm ang Punong Pinagmulan ay malulungkutin. Sa kanyang kalungkutan ay napaluha. Dalawang patak ng luha ang nalaglag sa papawirin at iyan ay naging ibon. Sapagkat walang pulong madapuan ang ibon, naibulong na Punong Pinagmulan ang, “Nais kong magkaroon ng lupa at kakahuyang dapat madapuan ng ibon.” Halos hindi pa nasasabi ito, nang di-kawasa,  nagkalupa at dagat.



Ayon sa alamat, isa raw araw, sa puno ng kawayan sa  lupang naturan, dumapo ang ibon. Tinuktok ng ibon ang isang biyas na kawayan. Wari’y may mahiwagang tinig na narinig, “Lakasan mo ang pagtuktok.” Nang tuktukin ng buong lakas ang biyas ng kawayan, nabiyak ito at lumabas ang kauna-unahang lalaki. Siya ay si Malakas. Isinunod ng ibon ang pagtuktok sa isa pang biyas ng kawayan. Nang mabiyak ang kawayan, lumabas naman ang kauna-unahang babae. Siya ay si Maganda.